Friday, May 21, 2004

Mga Talong at Gabi sa Sinigang

Sabi nila, mahalaga ang matutong magluto. Kadalasan, binubulyawan ako ni Nanay—hindi daw ako pwedeng mag-asawa o magkapamilya kung hindi daw ako marunong magluto. Noong paslit pa ako, hindi daw ako maaring kumain kung hindi ako tutulong sa pagsaing o paghain. Ito marahil ang aking suliranin: lumaki akong takot sa kusina.

Ngunit sa kung anong pagkakataon ay natagpuan ko ang aking sarili sa kusina ng Don Bosco Pugad Center. Naatasan kasi kami na maghanda ng simpleng tanghalian at meryenda para sa otsentang kabataan, Sila ang mga batang natagpuan sa kalye: mga palaboy, gutom at nangungulila sa pagkandili ng mga kapamilya.

Masaya naman ako at napabilang ako sa isang masayahin at masipag na grupo sa gawaing ito. Hindi na kailangang magbilangan ng kani-kaniyang gawain at ambag. Sa pagkakaalam ko, mayroong ilan sa amin ang namili ng mga sangkap at rekado isang araw bago ang makabuluhang hapon na ito. Dapat nga daw tinola ang lulutuin. Pabiro nga naming naisip na mga sisiw ang aming gagamiting pang tinola. Masustansya kasi ang tinola at kumpleto na—mayroong ulam, sabaw at gulay. Ngunit, nadatnang paubos na ang manok sa groseri. Wala ring sisiw. Siguro nga, may kung anong disenyo ang nag-atas na sinigang na lang sa halip na tinola ang aming ihahain. Napagisip-isip ko, mas kumpleto pa nga ang sinigang. Mas malaman ang baboy at mas marami ang sangkap na gulay. Malasa pa ang sabaw.

Nagsimula kami sa paghahanda ng mga sangkap. Kasabay ng pagsaing ng kanin, pinalambot na namin sa dalawang malalaking kawa ang pinaghiwa-hiwang karneng baboy. Sa isang dako ng kusina, may naghihiwa ng sibuyas, kamatis, gabi at talong.

“Sinigang ang lulutiin, ‘di ba?, ” tanong ko sa isang guro na tila motor kung maghiwa ng gabi.

“Oo, sinigang, ” sagot niya.

Napakunot ako ng mukha.

“Bakit may talong? Bakit may gabi?, ” hindi ako makapaniwala na meron palang ganitong sangkap ang sinigang. Palibhasa, kain lang naman ako ng kain kung ano ang hinahain sa harap ko.

“Oo naman. Pampasarap nga ito eh, ” sambit niya sa akin habang nakatingin sa akin, ang kanyang mga kamay ay patuloy pa rin sa paghihiwa.

Dahan-dahan na lamang ako lumayo, hiyang-hiya. Mas makabubuti na lang kung duon na lang ako tumulong sa mga naghuhugas at nagsasaing. Sa labas, nagsimula na ang pagbuhos ng ulan. Hindi naglaon at kasabay ng malakas na hangin, nagsilapitan na ang mga bata.

Masining pala ang pagluto ng sinigang. Naaliw akong panoorin ang mga kapwa kong guro sa pagluluto ng sinigang. Hindi naglaon, amoy na amoy ko ang bango ng pinagsamang baboy, kamatis, sitaw, kangkong at kung ano pang mga sangkap kabilang na siguro ang talong at gabi.

Naunang kumain ang mga bata. Sumunod na rin ang ilang staff ng Don Bosco Pugad Center kasama ang mga pagod na guro. Pinagmamasdan ko ang buong paligid sa pagitan ng mga nguya at paghigop. Bakit kaya magaan ang loob ko sa lugar na ito?

Disiplinado, magagalang at masisinop ang mga bata. Hindi baleng malalakas sila kumain. Hindi bale kung tila pinapala ang kanin. Masasayahin sila. Hindi sila nag-aagawan. Pagkatapos nilang kumain, agad nilang iniimis ang mesa. Syempre, hindi nila nakalimutang magdasal bago at pagkatapos kumain. Marahil hindi sila magiging mga matitinong bata kung hindi dahil sa pagkupkop ng Pugad Center at sa mga pagkukusang gawa ng ilang tao na handang tumulong. Malamang kung wala ang pagkupkop na ito, ay makikita ko na lamang ang mga batang ito na humihithit ng rugby o di kaya’y nagnanakaw ng wallet. Galit sa mundong minsa’y silang tinalikuran ang mababakas ko siguro sa kanilang mga mukha.

Mahirap ngang magturo ng kabutihan lalo na sa mga batang matindi ang galit sa mundo. Mahirap magturo ng pagmamahal sa mga batang hindi naransan ang pagmamahal. Ano ba ang kabuluhan ng samu’t saring mga teoriya at konsepto kung hindi ito nababakas o nadarama sa pang araw-araw na buhay?

Habang hinihigop ko ang sabaw, iiniisp ko ang mga bagay na ito. Sa paghubog ng mga batang ito, kinakailangan talaga ng tunay na pagbibigay ng sarili. Kinakailangan ang pagmamahal na hindi kinukuwenta ang pagod at hirap, makatulong lamang sa kapwa. Ang mga ito ang mga tunay na sangkap sa paghuhubog ng kabataan. Ito ang tunay na pampalasa na tuluyan nang natunaw at humalo na sa lasa ng sabaw. Hindi ko na nakita kung saan napunta ang gabi. Hinahanap ko ang mala-ubeng kulay ng talong. Pero ngayon alam ko na kung bakit masarap ang sinigang.

----------
I wrote this as a report to cover the recent Faculty Outreach by Assumption College to the young adolescents of Don Bosco Pugad Center. It was a rainy afternoon. And while the smell of sinigang joins the monsoon wind, my thoughts soar--bringing along the intense longing for a kiss-- to the one whom I trully got dissolved into.